Tag Archives: essay

Si Mideo Cruz at ang Simbahang Katoliko

Standard

Sa telebisyon unang nalaman ang nakakikilabot na balita: isang artist ang naglakas loob na “bastusin” ang mga imahe ng Panginoon. Nilagyan umano ng isang pribadong parte ng lalaki ang imahe ng Kabanal-banalang puso ni Hesus. Ginawa itong ilong. Condom naman ang isinabit sa isang krus. Ginawa namang mukha ni Mickey Mouse na maputi ang Kristong Hari.

Matalas ang sagot ng Simbahang Katoliko: ipasara ang exhibit sa CCP.

Nakiisa ang maraming Katoliko: prayer vigil upang maipasara ang exhibit.

Kumontra ang Artist Guild of the Philippines: curtailing of the right to freedom of expression kapag ipinasara ang exhibit. 

Sa gitna ng nag-uumpugang alon ng opinyon, nagpapadala ang karamihan sa agos upang makaiwas sa gulo. Ang iba naman, hinahayaang mamayani ang paniniwalang relihiyoso. Mayroon din namang nakikusyoso. Kakaunti ang tumatanaw mula sa malayo, tinatantya ang taas ng mga alon bago lumangoy sa taliwas na direksyon.

Layunin ng bawat alagad ng sining na gamitin ang kanyang mga obra upang mapukaw ang diwa ng mga tao. Sa kaso ni Mideo Cruz, nabagabag niya ang diwa ng mga tao kung paano tinatrato ng mga Katoliko ang mga imahe.

Kung susuriin ang mas malalim na mensahe ng obra ni Cruz, hindi nito ninanais na bastusin ang mga imahe ng Panginoon. Ang obra ay parang salamin ng paniniwala ng isang Katoliko: kung ang mga imahe ay itinuturing bilang larawan o rebulto na naglalarawan ng pinakamalapit na itsura ng Panginoon o kung itinuturing na diyus-diyosan.

Nagtagumpay naman si Cruz sa kanyang layunin. Dahil marami ang kumokontra sa exhibit na iyon, mas marami ang nag-uusisa kung anu-ano nga ba ang makikita doon. Ibig sabihin, mas dadami ang makakita ng kanyang obra, sasabihing

kalapastangan ito at ibabahagi ito sa mga kakilala na nanaisin ding makita ang obra. Mararamdaman ng media ang pulso ng bayan kaya mas bibigyan pa nila ng airtime ang mga isyu ukol sa exhibit. Kaya mas marami ang mag-uusisa at uulit ang siklo sa umpisa.

Kung tutuusin, bakit nga ba nagagalit ang mga Katoliko gayong ang mga larawan at rebulto ng Panginoon na madalas nating nakikita ay hamak na interpretasyon lamang ng mga maestro noong unang panahon? Alin ba talaga ang mas mahalaga: ang imahe o ang paniniwala?

Siguro’y walang patid na humahalakhak si Mideo Cruz ngayon; umaapaw sa matalas na salita ang kanyang kaaway samantalang ang mga salitang iyon ang panghasa ng kanyang obra.

PICTURE CREDITS
poleteismo 1: http://radikalchick.com/wp-content/uploads/2011/08/IMG_1002-485×363.jpg

poleteismo 2: http://news.bbcimg.co.uk/media/images/54489000/jpg/_54489644_012618675-2.jpg

poleteismo 4: http://www.cbc.ca/gfx/images/arts/photos/2011/08/09/si-poleteismo-reuters-rtr2ppy2.jpg

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Advertisements

Ang Mamamatay-tao sa bawat isa

Standard

May limang taon na ang nakalilipas, napagpasiyahan na sumali sa isang ekslusibong samahan para sa mga manunulat ng Unibersidad. Upang matanggap, kinakailangang sumailalim sa pagsusulit: magsulat ng isang kwento ukol sa kahit anong bagay at magsuri ng tula.

Doon ko isinulat ang una kong kwento tungkol sa isang mamamatay-tao, ang “Hayok na Adan”. (http://www.fictionpress.com/s/2243782/1/bHAYOK_b_bNA_b_bADAN_b)

Nang unang mabasa ang draft matapos ang isa’t kalahating oras ng pagsusulat, nag-alinlangan pa na ipasa ito. Isang Katolikong Unibersidad ang pinag-aaralan kaya natakot na ma-censor. Gagahulin naman sa oras sakaling gumawa ng panibago, lalo’t may kadugtong ang  pagsusulit. Kaya naman nang ibigay ang papel sa nagbabantay at lumabas ng hall, alam nang hindi matatanggap sa samahang iyon.

Sa pag-aakalang walang papansin sa kwento ukol sa isang mamamatay-taong necrophiliac, ini-upload ito sa FictionPress at umasang mayroong magbabasa. Sayang naman kung ang mga mata lamang ng tagabantay na iyon ang makapagbabasa ng kwento. Gusto kong malaman ang magiging reaksyon ng mga ordinaryong mambabasa.

Nakagugulat ang mga numero. May pambilang ang FictionPress sa bilang ng hits ng mga kwento ng isang manunulat. Sa may dalawampung katha, ang “Hayok ni Adan” ang nasa tatlong pinakamataas na nasa mahigit dalawandaang hits.

Hanggang ngayon, pinagtatakhan pa rin kung bakit binabasa ang ganitong katha samantalang ito lamang naman ang kanyang buod:

“Ganid sa laman. dapat MA ang rating. may mga temang di angkop para sa mga bata”

Dahil ba sa temang sekswal o dahil sa temang misteryoso? O dahil pinaglaruan ang ideya na ang bawat isa ay may kakayahang isipin na maaring sila si Popoy o kaya naman ang babaeng biktima?

Hinding-hindi malilimutan ang pakiramdam nang isulat ang kwentong iyon. Dahil literal na bolpen at panulat ang ibinigay sa aming medium, dama ng mga daliri ang bilis ng daloy ng mga imahe sa isipan na para bang nasasaksihan ang mga pangyayari sa kwento. Hiningal pagkatapos magsulat. Kung dahil sa ngawit ng kamay o sa takot sa mga salitang naisulat, hindi na maalala. Ang malinaw sa isipan hanggang sa kasalukuyan ay ang pagpapatuloy sa susunod na dapat gawin na mistulang walang nangyari.

Siguro nga, ang kathang iyon ay may kakayahang sundutin ang imahinasyon ng mambabasa kung paano pumatay ng kapwa tao. Siguro nga, ang kathang iyon ay may kakayahang iparamdam na waring ang mambabasa ang piping saksi sa isang krimen na nagaganap sa kanyang harapan. Siguro nga, pinag-aalab ng kathang iyon ang pagiging mamamatay-tao ng mambabasa…at ng manunulat.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.