Tag Archives: girl scouts of the philippines

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Isang tema ang sinunod ng mga disenyo ng pera ng pilipinas sa ilalim ng New Design. Sa harapan ng pera, ang imahe ng isang dating pangulo o bayani. Sa gawing kanan niya, ang kanyang ambag sa kasaysayan ng bansa. Karaniwang isang gusaling pampahalaan ang nasa likuran, na kadalasan ay may kinalaman sa bayani o dating pangulo na nasa harapan.

Tatlong disenyo sa New Design ang hindi sumunod dito:

  • ang 200 na ipinakita ang People Power II sa likuran;
  • ang 500 na ipinakita ang mga ambag ni dating Senador Benigno Aquino, Jr.; at
  • ang 1000 na tatalakayin natin ngayon.

Ang 1000 piso ang natatanging mayroong tatlong tao sa harapan. Mula sa itaas pakanan sila ay sina Jose Abad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda.

Kilala si Abad Santos bilang Punong Hukom ng bansa noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Bagaman nadakip ng mga Hapones, hindi siya pumayag na itatwa ang kanyang katapatan sa Estados Unidos at sa Pilipinas. Binantaan siyang magiging katumbas nito ang kanyang buhay. Mas pinili ni Abad Santos na mamatay.

Isa si Abad Santos sa mga unang iskolar ng mga Amerikano na pinag-aral sa Estados Unidos.

Si Brigadier General Vicente Lim naman ang unang Pilipinong nagtapos sa West Point, ang primerong akademyang pang-militar ng Estados Unidos. Tubong Calamba, Laguna, siya ang pinakamataas na Pilipinong miyembro ng militar na naiwan sa Pilipinas noong pananakop ng mga Hapon. Nakaligtas siya sa Martsa ng Kamatayan ngunit naglaon ay nadakip at pinugutan ng ulo ng mga Hapon dahil sa pamumuno ng mga gerilya.

Ang natatanging babae ay si Josefa Llanes Escoda na tulad ni Abad Santos, ay ipinadala sa Estados Unidos upang simulan ang pagsasanay ng mga kababaihan sa scouting. Taong 1940, sa kanyang ikalawang balik mula Amerika, sinimulan ni Escoda ang pagsasanay sa mga guro sa mga pampublikong pampaaralan. Sa bisa ng Commonwealth Act. No. 542, kinilala ang samahang itinatag ni Escoda: ang Girl Scouts of the Philippines.

Sa gawing kanan ng isanlibong piso makikita ang eternal flame at ang korona ng laurel. Kung iuugnay ang dalawang ito sa mga imahe ng tatlong bayani, ipinahahatid ng apoy ang walang hanggang pamamayagpag ng kanilang pakikipaglaban para sa kalayaan. Silang tatlo ang kumakatawan sa mga hindi na mapanagalanang mga Pilipino na lumaban sa pananakop ng Hapon.

Ang korona ng laurel ang nasa ilalim ng eternal flame. Kapansin-pansin na hugis itong sapatos ng kabayo. Ginamit ng mga Roman ang ganitong hugis ng koronang laurel upang ipahayag ang kanilang tagumpay sa labanan. Sa parehong paraan naibalik ang kalayaan sa bansa: pananaig ng pinagsamang pwersang Pilipino at Amerikano sa USAFFE.

Walang direktang kaugnayan ang mga imahe na nasa likuran ng isanlibong piso sa mga bayaning tampok sa harapan nito.

Sakop ng kalahati ng likurang bahagi ang Hagdang-hagdang Palayan ng Banaue. Testamento ito sa husay pang-inhinyero at ng isang hirarkiyang panlipunan ng mga Pilipino bago pa ang panahon ng pananakop.

Sa gawing kanan makikita ang takip ng Manunggul Jar. Pinapakita nito ang dalawang itsurang tao na nakasakay sa bangka at may hawak na sagwan. Ayon sa mga saliksik, ang posisyon ng mga sumasagwan (abot ng dibdib ang tuhod at nasa harapan ang mga bisig) ang posisyon ng mga na-mummify na bangkay na siyang isinisilid sa loob nito. Ang pagsagwan naman ay pagpapakita ng paniniwalang relihiyoso ng mga Pilipino noon: upang makarating sa kabilang buhay, kinakailangang dumaan sa mga ilog o dagat.

Ginagamit namang lugar sambahan sa Sulu ang Langgal Hut (maliit na mosque).

Heto ang mga larawan ng Manunggul Jar at Langgal Hut:

MGA TALA:

1000 front and back
http://philmoney.blogspot.com/2007/04/1000-peso-bill-new-design-series.html

BGeneral Vicente Lim picture


Manunggul Jar picture


Langgal Hut


Michael Charleston B. Chua, THE MANUNGGUL JAR AS A VESSEL OF HISTORY, Retrieved from the world wide webhttp://www.artesdelasfilipinas.com/archives/50/the-manunggul-jar-as-a-vessel-of-history on 11 May 2012

Bio Pinoys, Jose Abad Santos, Retrieved from the world wide web, http://biopinoys.blogspot.com/2008/06/jose-abad-santos.html on 11 May 2012

Filipino eScribbles, THE NATIONAL HERO’S CRIB (CALAMBÂ, LA LAGUNA), Retrieved from the world wide web http://filipinoscribbles.wordpress.com/tag/vicente-lim/ on 11 May 2012

The Girl Scouts of the Philippines, Girl Scouting in the Philippines, Retrieved from the world wide web on 11 May 2012

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.