Tag Archives: roxas boulevard

Ang mga monumento sa Roxas Boulevard: Ang Centennial Clock

Standard

Masonic clock-West side Masonic clock-East side Katapat ng flagpole sa southbound lane (papuntang CCP) ng Roxas Boulevard ay isang orasan. Mayroon itong base na gawa sa semento. Hugis obelisk naman na kulay itim ang pinaglalagyan ng orasan. Dalawang haligi na may disenyo ng Corinthian order ang nasa magkabilang gilid. Mayroong tig-isang bumbilya sa tuktok ng bawat haligi. Dalawa ang orasan, isa na nakaharap sa Roxas Boulevard at isa na kaharap ng Quirino Grandstand.  Ang parehong orasan ay donasyon ng donasyon ng isang Swisong kompanya na gumagawa ng orasan, ang Bulova. Umabot ang halaga nito sa US $54,000.00. Ito ang itsura ng isa sa mga orasan sa malapitan.

Bulova clock-east

Makikita sa gitna ng mga kamay ng orasan ang salitang, “BULOVA”

Isinaayos ang mga orasan noong 10 Hunyo 2010, kasabay sa mga paghahanda sa selebrasyon ng ika-150 kaarawan ni Jose Rizal. Tinagurian itong Centennial Clock dahil itinayo ito upang alalahanin ang ika-isandaang taong anibersaryo ng paglulunsad ng Rebolusyon ng 1898. Pinasinayaan ito ng dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada sa pangunguna ng Grand Master ng Masonriya sa Pilipinas, si Enrique Locsin. Masonic clock plaque-East Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang kaisipang nagpaalab sa Unang Yugto ng Rebolusyon ay ang Masonriya. Masonry  o ang tawag sa samahang ito. Freemasons naman ang tawag sa mga tagsunod nito. Tinatayang nabuo ang samahang ito sa Europa noong Panahong Midyibal kasabay ng pag-usbong ng iba pang samahang pang-manggagawa (guild ang tawag dito sa World History). Mga mason o tagapagtayo ng mga simbahan o kastilyo ang sinasabing nagtayo ng samahang ito. Isang Kastilang opisyal ng pwersang nabal ang unang nagtatag ng Masonriya sa Pilipinas. Tanging mga Kastila ang mga tinanggap sa samahan. Maglaon, nagtatag din ang ibang dayuhang naninirahan sa bansa ng sari-sarili nilang mga lodge (sa salita ng isang Mason, ito ang kanilang lugar tagpuan o meeting place). Iba’t iba ring Grand Lodge (ang tagapangasiwa sa isang lugar) ang may sakop sa mga lodges. Hindi tumanggap ng mga Indio ang mga samahang ito. Nagkaroon lamang ng lodge na tumatanggap ng mga Pilipino pagkatapos sumali ang ilang Pilipino sa Masonriya habang nag-aaral sila sa España. Doon, bumuo sila ng sarili nilang lodge na tinawag na,  Logia Revolución . Ngunit pawang mga edukadong Pilipino na nakatira noon sa España ang mga kasapi nito. Kaya nang makabalik sa Pilipinas ang mga edukado bilang mga ilustrado, dala-dala nila ang permiso mula sa Grand Master ng Grande Oriente Español Miguel Morayta na makapagtatag ng lodge sa Pilipinas. Kumalat ang Masonriya sa Pilipinas simula noon. Kasabay ng pagdami ng mga kasapi ay ang pagkalat ng paniniwala ng Masonriya. Maraming nahikayat sa samahan dahil itinuturo nito ang pagkakapantay-pantay, kalayaan at ang pagsasarili. Ilan dito ay ang sumusunod:

  • Magkakapatid ang lahat ng tao (babae man o lalaki) dahil anak sila ng Diyos. Ang lahat ay mayroong dangal, ginagalang ang opinyon ng iba at isinasaalang-alang ang damdamin ng ibang tao. Sinang-ayunan ito ni Emilio Jacinto sa kanyang akdang Liwanag at Dilim, “Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat iisa ang pagkatao ng lahat!…Sino kaya ang pangahas na makapagsasabing higit ang kanyang pagkatao at tangi sa pagkatao ng kanyang mga kapwa?”
  • Walang karapatan ang sinuman na diktahan ang isang tao kung ano ang dapat isipin o paniwalaan. Ang bawat lalakit at babae ay may karapatang intelektwal, ispiritwal, ekonomiko at politikal. Binigay ng Diyos ang karapatang ito, hindi ng isang tao. Ang pagmamalupit, sa kahit na anong anyo ay wala sa katwiran. Ito din ang nasasalamin sa Decalogo ni Apolinario Mabini, “Huwag mong̃ kilalanin sa iyóng̃ bayan ang kapangyarihan nino mang tao na dî mo pilì at ng̃ iyóng̃ mg̃a kababayan.”
  • Ang karangalan at katapatan ay mahalaga sa buhay. Ang buhay na walang karangalan at katapatan ay buhay na walang halaga. Binanggit naman ito ni Jose Rizal sa kanyang Indolence of the Filipinos, “Deprive a man then of his dignity, and you not only deprive him of his moral stamina but also you render him useless even to those who want to make use of him. Every being in creation has his spur, his mainspring; man’s is his self-respect; take it away from him and he becomes a corpse; and he who demands activity from a corpse will find only worms.”

Mapapansin din na hindi nalalayo ang simbolo ng mga Katipunero sa simbolo ng Masonriya. Ginamit ng Katipunan ang araw, ang araw na mayroong mukha at ang hugis tatsulok sa kanilang mga watawat. Kapansin-pansin din ang pagkakapreho ng tatlong bituin. Ang Masonriya at ang mga naging watawat ng Pilipinas Samakatuwid, dumaloy ang kaisipan ng Masonriya sa Rebolusyon ng 1896 dahil ang mga pinuno nito tulad nina Rizal at Mabini ay miyembro ng Freemasons. (Para sa mas dibdibang listahan, pumunta dito) Kaya itinuturing ng mga Mason na ang Rebolusyon, ang pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kasarinlan hanggang sa pagtatatag ng Unang Republika sa Malolos ang pinakadakilang natamo ng Masonriya dahil ang kanilang paniniwala at adhikain ang siyang nagsulong sa Rebolusyon. Pinagtibay ito ng pahayag ng yumaong Pangulong Emilio Aguinaldo na nakasaad sa plake ng Centennial Clock: Centennial Clock Plaque-West

Masonry plaque

MGA TALA:

Kung paano nakarating ang Masonriya sa Pilipinas http://www.philippinemasonry.org/philippine-masonry-from-barcelona-to-manila-1889-1896.html

Ang Pagtatayo ng Centennial Clock
http://www.mencius93.org/3-1-c-history-of-mencius_the-7th-decade.php

Ang Decalogo ni Apolinario Mabini
http://tagaloglang.com/The-Philippines/History/ang-dekalogo-ni-apolinario-mabini.html

Ebolusyon ng Bandila ng Pilipinas
http://3.bp.blogspot.com/-S11eVatrZB8/TrGvliSpg6I/AAAAAAAABMw/58MiGoH2C0g/s1600/3.Philippine-flag.jpg

Ang Turo ng Masonriya
http://www.gl-mi.org/freemasonry-explained.htm

Mga Simbolo ng Masonriya
http://www.centennial25.org/images/emblamatic%202.jpg

Creative Commons License This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Advertisements

Ang mga Monumento sa Roxas Boulevard: Ang Flagpole sa Luneta

Standard

Tulad ng nakagawian, ang dalawang buwan na bakasyon ay iuukol upang magsulat ng isang serye ng mga artikulo ukol sa isang makasaysayang bagay o lugar. Taong 2011 nang simulan ito sa serye na may pamagat na “Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera” kung saan tinalakay kung paano nakaguhit ang kasaysayan ng bansa sa mga perang papel na unti-unting hindi pinapagamit ng Bangko Sentral.

Sa taong ito, tampok naman ang mga monumento sa Roxas Boulevard. May humigit-kumulang 20 monumento sa nabanggit na kalsada. Layunin ng serye na isa-isahin ang mga monumento, ilahad ang kanilang halaga sa kasaysayan, bakit ito ginawa, bakit sa isang tukoy na lugar ito inilagay, at (kung papalaring makita ang impormasyon) sino ang gumawa sa kanila.

May pito at kalahating kilometro ang haba ng Roxas Boulevard na nagsisimula sa pinagtapusan ng Bonifacio Drive (sa may Anda Circle sa Maynila) at kanto ng Padre Burgos Avenue. Dulo nito ang kanto ng NAIA Road at ang pinagsimulan ng Manila-Cavite Expressway. Tatlo ang lungsod na nakakasakop sa haba nito: ang Maynila, Pasay at Parañaque.

Dating kilala ang Roxas Boulevard bilang Dewey Boulevard, mula kay Admiral George Dewey, ang Amerikanong opisyal ng pwersang nabal na nakatalo sa mga Kastila sa Mock Battle of Manila Bay (1898). Mula naman sa yumaong Pangulong Manuel Roxas ang kasalukuyan nitong pangalan.

Roxas blvd

Tahanan ng mga malalaking hotel, sikat na kainan, ilang gusaling pampamahalaan at mga parke ang Roxas Boulevard. Karaniwan din itong ginagawang pinagdarausan ng mga fun run kung araw ng Sabado o Linggo. Kung wala namang fun run, hitik sa mga taong nagjo-jogging at nagbi-bisikleta ang gilid ng kalsada, lalo na iyong malapit sa Manila Bay. Sa pagsapit ng hapon hanggang gabi, hindi pa rin nawawala ang mga taong namamasyal. Ang ilan upang makita ang paglubog ng araw, may ilan upang pumunta sa mga amusement park.

Sa gawing Maynila, kung saan banda nagsisimula ang Roxas Boulevard at tapat ng monumento ni Jose Rizal, makikita ang isang 107 metro na flagpole. Palaging nakataas ang bandila ng Pilipinas dito, alinsunod sa Batas Republika 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.

100_3595

Tinatawag din itong ‘Independence Flagpole’ dahil sa lugar na iyon unang itinaas ang watawat ng bansa noong Hulyo 4, 1945, sabay sa pagbaba ng watawat ng Amerika. Tanda ito ng pagsisimula ng isang malaya at nagsasariling republika. Pinasinayaan ang pangyayaring ito ng pangulo nang panahong iyon, si Manuel Roxas at ng kinatawan ng Pangulo ng Estados Unidos, si Paul V. McNutt. Nakatatak ang pangyayaring ito sa kasaysayan ng bansa sa likod ng perang papel na isandaang piso. (Para sa mas malalim na pagtalakay sa pangyayaring ito, mangyaring mag-click dito.)

May apat na plake na matatagpuan sa base ng flagpole, isa para sa bawat direksyon.

Sa gawing hilaga, naroon ang plake ng paggunita sa mga nagawa at kasapi ng Kongreso na nagsilbi taong 1946-1949.

Philippine Congress 1946-1949

Sa silangan, direktang kaharap ng monumento ni Rizal, ay ang plake ng pagkilala sa nagawa ng  Joint Executive Committe para sa pagpapasinaya ng Ikatlong Republika.

Joint Executive Committee plaque

Sa kanluran, kaharap ang Manila Bay ay ang plake ng pagpapaalala ng pagpapasinaya ng Ikatlong Republika.

100_3559

Bandang itaas nito ay isa pang mas maliit na plake na nagtatakda kung kailan dapat iwinawagayway ang bandila sa flagpole.

West side Luneta flagpole

At sa gawing timog naman ang plake ng pagkilala sa unang gabinete ng Ikatlong Republika.

First Cabinet Third Republic

Gawa sa marmol ang base kung saan nakapaskil ang mga plake. Halatang kinikiskis upang mapanatili ang kalinisan, lalo’t paminsan-minsa’y naiimbitahan ang Pangulo ng bansa o kaya’y ang alkalde ng Maynila upang itaas ang bandila sa paggunita ng ilang makasaysayang pangyayari.
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 100 piso

Standard

Tampok sa isandaang piso ang unang Pangulo ng Ikatlong Republika, si Manuel Roxas. Sa gawing kanan makikita ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas at ang pagbaba ng watawat ng Amerika. Kung susuriing mabuti, makikita sa ibaba ng watawat ang anino ng mga tao, isang nakasaludong sundalo at dalawang lalaki na may hawak na tali at humihila sa mga watawat.

Ang tagpong ito ay ang pagpapasinaya ng Ikatlong Republika noong ika-4 ng Hulyo 1946. Dakong 9:15 ng umaga, sa lugar kung nasaan ang flagpole ng Luneta, ibinaba ang watawat ng Amerika at itinaas naman ang sa Pilipinas sa saliw ng pambansang awit ng dalawang bansa. Si Pangulong Roxas ang nagtaas ng watawat ng Pilipinas samantalang ibinaba naman ni Embahador Paul McNutt  ang watawat ng Estados Unidos. Ito ang tanda ng pagtatapos ng pananakop ng Estados Amerika at ang pagsisimula ng isang nagsasariling pamahalaang Pilipino.

Sa larawan, makikita natin ang sumusunod mula sa dulong kanan: si Pangalawang Pangulo Elpidio Quirino, Embahador Paul McNutt at Pangulong Manuel Roxas.

Kung magagawi sa Luneta, hanapin lamang ang nabanggit na flagpole na nasa harap ng monumento ni Jose Rizal. Apat na palatandaang pangkasaysayan ang makikita sa base nito, isa para sa bawat direksyon. Hanapin ang palatandaan sa direksyong kanluran o ang nakaharap sa Roxas Boulevard.

First-republic-inauguration-historical-marker

Sa likuran naman ng isandaang piso makikita ang imahe ng central office ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Roxas ang nagsulong ng pagtatag ng isang bangko sentral noong siya’y nagsilbi bilang Kalihim ng Pananalapi ng Pamahalaang Commonwealth bilang pagsunod sa Batas Tydings-McDuffie. Pinagtibay ito ng Lehislatura ng Pilipinas noong 1939, ipinasa sa gobyernong Amerikano at bumalik sa Commonwealth. Wala nang nangyari pa pagkatapos noon.

Nang maging Pangulo si Roxas, ipinasa niya sa Kongreso ang isang legislative bill na nagtatayo ng isang Bangko Sentral at nagtatadhana ng kapangyarihan at tungkulin nito. Isinaayos din nito ang ilang tuntunin na nauukol sa usaping pananalapi ng Pilipinas.

Nakalulungkot lamang isipin na napirmahan ang bill bilang Republic Act No. 265 (The Central Bank Act) noong ika-15 Abril 1948, eksaktong dalawang buwan matapos yumao si Roxas.

MGA TALA:

 PHP 100 front


PHP 100 reverse


Third Philippine Republic Inauguration
http://imageshack.us/photo/my-images/35/manuelroxasjuly41946.jpg/sr=1

Bangko Sentral ng Pilipinas, Chronology of Events: Central Banking in the Philippines, Retrieved from the world wide web
http://www.bsp.gov.ph/about/history2.asp on 7 May 2012.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons

Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.