Tag Archives: benigno aquino jr

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Isang tema ang sinunod ng mga disenyo ng pera ng pilipinas sa ilalim ng New Design. Sa harapan ng pera, ang imahe ng isang dating pangulo o bayani. Sa gawing kanan niya, ang kanyang ambag sa kasaysayan ng bansa. Karaniwang isang gusaling pampahalaan ang nasa likuran, na kadalasan ay may kinalaman sa bayani o dating pangulo na nasa harapan.

Tatlong disenyo sa New Design ang hindi sumunod dito:

  • ang 200 na ipinakita ang People Power II sa likuran;
  • ang 500 na ipinakita ang mga ambag ni dating Senador Benigno Aquino, Jr.; at
  • ang 1000 na tatalakayin natin ngayon.

Ang 1000 piso ang natatanging mayroong tatlong tao sa harapan. Mula sa itaas pakanan sila ay sina Jose Abad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda.

Kilala si Abad Santos bilang Punong Hukom ng bansa noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Bagaman nadakip ng mga Hapones, hindi siya pumayag na itatwa ang kanyang katapatan sa Estados Unidos at sa Pilipinas. Binantaan siyang magiging katumbas nito ang kanyang buhay. Mas pinili ni Abad Santos na mamatay.

Isa si Abad Santos sa mga unang iskolar ng mga Amerikano na pinag-aral sa Estados Unidos.

Si Brigadier General Vicente Lim naman ang unang Pilipinong nagtapos sa West Point, ang primerong akademyang pang-militar ng Estados Unidos. Tubong Calamba, Laguna, siya ang pinakamataas na Pilipinong miyembro ng militar na naiwan sa Pilipinas noong pananakop ng mga Hapon. Nakaligtas siya sa Martsa ng Kamatayan ngunit naglaon ay nadakip at pinugutan ng ulo ng mga Hapon dahil sa pamumuno ng mga gerilya.

Ang natatanging babae ay si Josefa Llanes Escoda na tulad ni Abad Santos, ay ipinadala sa Estados Unidos upang simulan ang pagsasanay ng mga kababaihan sa scouting. Taong 1940, sa kanyang ikalawang balik mula Amerika, sinimulan ni Escoda ang pagsasanay sa mga guro sa mga pampublikong pampaaralan. Sa bisa ng Commonwealth Act. No. 542, kinilala ang samahang itinatag ni Escoda: ang Girl Scouts of the Philippines.

Sa gawing kanan ng isanlibong piso makikita ang eternal flame at ang korona ng laurel. Kung iuugnay ang dalawang ito sa mga imahe ng tatlong bayani, ipinahahatid ng apoy ang walang hanggang pamamayagpag ng kanilang pakikipaglaban para sa kalayaan. Silang tatlo ang kumakatawan sa mga hindi na mapanagalanang mga Pilipino na lumaban sa pananakop ng Hapon.

Ang korona ng laurel ang nasa ilalim ng eternal flame. Kapansin-pansin na hugis itong sapatos ng kabayo. Ginamit ng mga Roman ang ganitong hugis ng koronang laurel upang ipahayag ang kanilang tagumpay sa labanan. Sa parehong paraan naibalik ang kalayaan sa bansa: pananaig ng pinagsamang pwersang Pilipino at Amerikano sa USAFFE.

Walang direktang kaugnayan ang mga imahe na nasa likuran ng isanlibong piso sa mga bayaning tampok sa harapan nito.

Sakop ng kalahati ng likurang bahagi ang Hagdang-hagdang Palayan ng Banaue. Testamento ito sa husay pang-inhinyero at ng isang hirarkiyang panlipunan ng mga Pilipino bago pa ang panahon ng pananakop.

Sa gawing kanan makikita ang takip ng Manunggul Jar. Pinapakita nito ang dalawang itsurang tao na nakasakay sa bangka at may hawak na sagwan. Ayon sa mga saliksik, ang posisyon ng mga sumasagwan (abot ng dibdib ang tuhod at nasa harapan ang mga bisig) ang posisyon ng mga na-mummify na bangkay na siyang isinisilid sa loob nito. Ang pagsagwan naman ay pagpapakita ng paniniwalang relihiyoso ng mga Pilipino noon: upang makarating sa kabilang buhay, kinakailangang dumaan sa mga ilog o dagat.

Ginagamit namang lugar sambahan sa Sulu ang Langgal Hut (maliit na mosque).

Heto ang mga larawan ng Manunggul Jar at Langgal Hut:

MGA TALA:

1000 front and back
http://philmoney.blogspot.com/2007/04/1000-peso-bill-new-design-series.html

BGeneral Vicente Lim picture


Manunggul Jar picture


Langgal Hut


Michael Charleston B. Chua, THE MANUNGGUL JAR AS A VESSEL OF HISTORY, Retrieved from the world wide webhttp://www.artesdelasfilipinas.com/archives/50/the-manunggul-jar-as-a-vessel-of-history on 11 May 2012

Bio Pinoys, Jose Abad Santos, Retrieved from the world wide web, http://biopinoys.blogspot.com/2008/06/jose-abad-santos.html on 11 May 2012

Filipino eScribbles, THE NATIONAL HERO’S CRIB (CALAMBÂ, LA LAGUNA), Retrieved from the world wide web http://filipinoscribbles.wordpress.com/tag/vicente-lim/ on 11 May 2012

The Girl Scouts of the Philippines, Girl Scouting in the Philippines, Retrieved from the world wide web on 11 May 2012

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Advertisements

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 500 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 500 piso

Ang Pera

Posted on May 31, 2011

Patak-patak ang dating
pero baha kung waldasin.
Lumalansa kapag itinatago
sa kamao, kawayan o garapon.
Pero kapag itinapon sa lupa,
may tumutubong punla.

Ang serye ng mga piyesang ito ay bahagi ng pagbibigay pugay sa mga lumikha ng disenyo ng perang papel ng Pilipinas. Unti-unting dumarami ang mga bagong labas na perang papel, serye 2011. Hindi ko lubos maunawaan kung bakit ako, na isang mag-aaral ng kasaysayan, ay hindi napansin ang pagsasalaysay ng ating kasaysayan sa mga hamak na piraso ng papel na ginagamit ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Kung mayroong isang imahe na paulit-ulit nakikita sa perang ito, iyon ay ang  kalapati. Mayroong kalapati sa itaas na kaliwang bahagi at sa kanang panig ng harapan ng 500 piso. May kagat-kagat na isang sanga ng puno ang kalapati na nasa gawing itaas. Sa buntot ng kalapating ito, mayroon siyang iniwang landas ng mga bituin. Ang dulo naman ng landas na ito ay ang imahe ng yumaong Senador Benigno Aquino, Jr.

Sa kanan ng imahe ay ang pambansang watawat ng bansa. Sa ilalim ng watawat, naroong ang sipi mula sa hindi nabasang pahayag ni Aquino noong 21 Agosto 1983:

“I return from exile and to an uncertain future with only determination and faith to offer–faith in our people and faith in God.”

Isang misteryo pa rin kung bakit nakahalumbaba ang larawan ni Senador Aquino. May isa akong nabasang artikulo ilang taon na ang nakararaan na isang kuha daw ito noong pabalik na si Senador Aquino ng Pilipinas noong 1983. Nasa eroplano daw sila ayon sa nagsasalaysay (na ang bayaw ni Aquino na si Ken Kashiwahara) at pumipili daw ang Senador ng kakainin sa menu. Pero hanggang ngayon, hinahanap ko pa rin ang aritkulong ito.

Sa kanang panig ng papel, mababasa ang isang tala mula sa isang talumpati sa Asia Society noong 4 Agosto 1980 sa New York. “The Filipino is dying for,” ang nakalagay sa pera pero heto ang buong pangungusap na pinagkunan:

“I have carefully weighed the virtues and faults of the Filipino and I have come to the conclusion that he is worth dying for because he is the nation’s greatest untapped resource.”

Piramado ang tala ng palayaw ng Senador: Ninoy.

Sa ibaba ng pirma ay ang imahe ng makinilya na nagpapaala na minsang naging isang mamamahayag si Aquino noong kanyang kabataan. Nakaukit sa makinilyang ito ay  kanyang inisiyal: B.S.A.J.

Ipinapakita naman ng likuran ng perang papel ang mga nagawa ni Aquino sa kanyang mahabang karera sa politika at pamamahayag.

Binanggit ko na kanina ang mga imahe ng kalapati at makikita natin ito sa gawing itaas, sa kanang sulok katabi ng numerong 500. Hindi tulad sa kalapati na nasa harapan, kagat-kagat ng kalapating ito ang isang laso na kulay ginto. Tila pinapaalala nito sa makakakita na bago bumalik si Aquino noong 1983, malawakang ikinampanya ng kanyang kampo ang pagtatali ng dilaw na laso sa mga punong madadaanan ng kanyang convoy. Ginawa ito upang maalala ng kanyang mga taga-suporta ang kantang “Tie a Yellow Ribbon on an Old Oak Tree”. Ipinapahayag ng kanta ang saloobin ng isang nakalayang bilanggo at pabalik sa kanyang tahanan.

Sa gawing kaliwa naman makikita ang nagkakapit-bisig na magsasaka, sundalo, kababaihan, Muslim at Kristiyano. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ipinapakita nito ang hangarin ni Aquino na magkaroon ng isang malaya at nagkakaisang bansa: isang kapatiran ng Kristiyano, Muslim at ng minorya.

Sa ibaba nito ay si Aquino na nakasuot ng helmet at jacket. Sa kanyang likuran aya ng headline ng isang diyaryo. Sa masusing pagsusuri, makikita na si Aquino ang nagsulat ng artikulong iyon. Pinapaalala ng imaheng ito na naging mamamahayag ng Manila Times si Aquino noong kanyang kabataan. Pumasok siya sa Times na hindi ginagamit ang koneksyon ng kanyang ina, na noo’y nasa labas ng bansa. Ayon sa salaysay ni Benjamin Osias, malapit ng kaibigan ng mga Aquino at noo’y empleyado ng Manila Times. Gusto daw niya kasing

“…I can tell her I landed a job on my own when she comes home.”

Maglalaon, ipapadala si Aquino ng Manila Times sa Korea noong 1950s upang iulat mula roon ang digmaan. Isang pakikipagsapalaran ito para sa batang mamamahayag na noo’y labingwalong taong gulang lamang.

Sa larawan sa ibaba, nagsusulat si Aquino, sa kanyang tabi ay ang Rolleiflex camera na kanya ring ginamit upang iulat ang mga pangyayari sa Korea.

Gawing kanan ng pera ay ang isa sa mga programang pang-edukasyon na isinulong ni Aquino noong nagsilbi siyang senador ng Republika: ang Study Now, Pay Later. Sa pamamagitan ng programang ito, nabigyang pagkakataon ang mga mahihirap na mag-aaral na makapag-aral at bayaran ang perang pinang-aral sa itinakdang panahon ng bangko.

Makikita naman sa ibaba ng larawang ito ang imahe ng kapitolyo ng Tarlac kung saan nagsilbi siyang gobernador–ang pinakabata sa kasaysayan ng bansa–sa edad na 27. Naroon din ang imahe ng munisipyo ng Concepcion, Tarlac, kung saan siya nahalal na alkalde–muli ang pinakabata sa kasaysayan ng bansa–sa edad na 21.

Sentro ng likurang bahagi ng papel ay ang dalawang sundalo, suot ang kanilang uniporme at dala ang kanilang baril. Sa harapan ng mga sundalo ay isang babae at isang batang lalaki na nag-aabot ng bulaklak.

Kapansin-pansin na sumisikat na araw ang likuran ng eksenang ito. May palamuti din ito ng dahon ng olibo sa gawing ibaba, ang simbolo ng kapayapaan.Tila ipinapakita ng eksenang ito ang isa sa mahahalagang resulta ng kamatayan ni Senador Aquino: ang mapayapang rebolusyong ng 1986–isang panibagong simula para sa isang bansa.

MGA TALA:

Bangko Sentral ng Pilipinas. Money Museum. Retrieved from the world wide web: http://www.bsp.gov.ph/bspnotes/celebration/page2.asp accessed on 5 May 2012.

Kashiwahara, Ken. Aquino's Final Journey. Retrieved from the world wide web: http://www.nytimes.com/1983/10/16/magazine/aquino-s-final-journey.html?pagewanted=all accessed on 5 May 2012.

Maramba, Asuncion David, ed. Ninoy Aquino The Man the Legend. Cacho Hermanos, Inc.:  Manila, 1984.

500-php-front: http://1.bp.blogspot.com/_op4IimOw89g/TMF8ztIRFuI/AAAAAAAABAs/HPBpu41u0LE/s1600/php-500-front.jpg

500 reverse: http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/7/74/PH_Peso_500.jpg 

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.