Tag Archives: pera sa pilipinas

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 5 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 5 piso

Ang limang piso ang pinakahuling tatalakayin sa serye ng mga artikulo na may pamagat na, “Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera”. Tampok sa perang papel na ito ang itinuturing na pinakaunang pangulo ng Republika, si Heneral Emilio Aguinaldo.

Nabibilang sa isang principalia uri ang mga Aguinaldo. Isang gobernadorcillo ang kanyang ama at mayroong lahing Tsino ang kanyang pamilya kaya naman nakaangat ang kanilang pamumuhay kumpara sa higit na nakararami. Patunay nito ay ang pag-aaral ng batang Emilio sa Colegio de San Juan de Letran para sa mataas na paaralan (o Bachiller en Artes, ang katumbas ng high school sa kasalukuyan). Gayunman, hindi ito natapos ni Emilio sapagkat namatay ang kanyang ama kaya kinailangang umuwi siya sa Cavite El Viejo (Lumang Cavite o ang tinatawag ngayong Kawit) at tulungan ang ina sa pagsasaka.

Sumali si Aguinaldo sa Katipunan noong 1895 bilang isang tinyente (lieutenant), umangat bilang kapitan bago mabilis na naging heneral, matapos na matagumpay na tambangan ang pwersang Español ni Heneral Ernesto de Aguirre sa Bacoor, Cavite. Simula noon, nakilala siya bilang si Heneral Miyong.

Makikita sa ibabaw ng kanang balikat ng Heneral ay isang pulang tatsulok na mayroong araw sa gitna at tatlong bituin sa tatlong sulok nito. Napaliligiran ito ng dahon ng laurel. Kung ihahambing ang escudo (seal) na ito mga naging escudo noong bandang huling dekada ng dantaon-19, mapapansin na malaki ang pagkakahawig nito sa escudo ng Unang Republika ng Pilipinas. Sa larawan sa ibaba, ang napapalooban ng bilog  ang escudo ng Unang Republika (nasa kaliwa).

Sa gawing kanan ng perang papel, makikita ang palatandaang pangkasaysayan na Republica Filipina. Isinasaad dito na: “Republika Pilipina 1898-1901; Sa kumbentong ito itinatag ang presidensya ng unang Republika Pilipina na pinanguluhan ng Kgg. Emilio Aguinaldo y Famy at dito’y nanatili mula noong ika-10 ng Setyembre 1898 hanggang ika-29 ng Marso 1899”. (n.b. Ang “Kgg.” ay papapikli ng Kagalang-galang. Honorable o Hon. ito sa wikang Ingles.)

Hindi nakasaad sa palatandaan ang lokasyon ng “kumbento”. Ngunit kung susuriin ang mga petsa at pagtutugmain ang mga makasaysayang pangyayari, malalaman na noong 10 Setyembre 1898, inilpat ang kabisera ng Pamahalaang Rebolusyonaryo sa Malolos, Bulacan mula sa Bacoor, Cavite. At dahil “kumbento” ang tinutukoy sa palatandaan, maaring ang tinutukoy ay ang kumbento na katabi ng Katedral ng Malolos sa Malolos, Bulacan. Makikita ang tatlong historical marker ng kumbento na nasa tatlong wika: Kastila, Filipino at Ingles.

Ang likuran naman ng limang piso ang nagpapakita ng pagpahayag ng kasarinlan (hindi kalayaan) ng Pilipinas noong 12 Hunyo 1898. Taliwas sa ipinapakita ng larawan, hindi si Heneral Aguinaldo ang nagpahayag ng kasarinlan ng Pilipinas. Ipinapakita sa larawang black and white (ibaba pa ng kulay berdeng larawan ng limang piso) ang mas malapit na anggulo: iwinawagayway ni Aguinaldo ang disenyo ng kasalukuyang bandila sa harap ng mga nagbubunying mga tao.

Aguinaldo waving the current PH flag

Kung susuriin ang fascimile ng Acta dela proclamacion de independencia del pueblo Filipino (Pagpapahayag ng Kasarinlan ng Bayang Pilipino), makikitang si Don Ambrosio Rianzares Bautista ang nagbasa nito. Naka-highlight sa pula ang linyang nagsasabing gayon nga.

Ang salin sa wikang Filipino ng mula sa Castila ng fascimile: “Sa bayan ng Cavite Viejo, lalawigan ng Cavite, ngayong ika-12 ng Hunyo, 1898, a harap ko, Don Ambrosio Rianzares Bautista, Auditor de Guerra at sadyang Comisionado na itinatalaga upang ipahayag na at parangalan ang tanging araw na ito ng Pamahalaang Diktatoriyal sa Pilipinas, ayon sa kataas-taasang Diktador, Don Emilio Aguinaldo at Famy, tayong mga nagkakatipong nagsilagda ngayon sa ibaba nito, kinabibilangan ng mga puno ng hukbo, ng mga kinatwan ng ibang hindi nakadalo, at ng ilang mga tanyag namamayan, dahil sa ang lahat ng mga pilipino ay bagot na bagot na sa pagpasan ng mabigat na kapangyarihan ng mga kastila, at gayon din sa walang patumanggang pagpapadakip sa mga tao at sa kalupitan ng mga Guwardiya Sibil hanggang sa makamatay, na ang ganito naman ay nababatid ng mga pinuno at sila pa nga ang nag-uutos na pagbabarilin ang mga nabibilanggo sa dahilanang magsitakas, mga asal na nalaltag sa batas na dapat sanang igalang ng nasabing Guwardiya Sibil, ngunit hindi pinarurusahan ang gayong mga kabuktutan;…”

Hindi rin noong ika-12 ng Hunyo unang iniladlad ang watawat ng Pilipinas na alam natin sa kasalukyan. Una itong ipinakita sa madla noong 28 Mayo 1898 sa Teatro Caviteño, Cavite Nuevo (kasalukuyang Cavite City). Kaya ipinagdiriwang ng Pilipinas ang Araw ng Watawat mula ika-28 ng Mayo hanggang ika-12 ng Hunyo taon-taon. Inaanyayahan ng pamahalaan ang mga Pilipino na iladlad ang watawat sa tahanan bilang pagsali sa pagdiriwang na ito.

MGA TALA:

Dumindin, Arnaldo. Philippine-American War, 1899-1902 June 12, 1898: Declaration of Philippine Independence. Retrieved from the world wide web http://philippineamericanwar.webs.com/philippineindependence.htm, on 5 June 2012.

Layug, Benjamin. A tourist guide to notable Philippine historical landmarks, monuments and shrines, Quezon City: New Day Publishers, 2009.

National Historical Institute, June 12, 1898 and other related documents, Manila: National Historical Institute, 2009.

Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Kalendaryong Pangkasaysayan 1521- 1969, Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2011.

New World Encyclopedia, Emilio Aguinaldo. Retrieved from the world wide web http://www.newworldencyclopedia.org/entry/Emilio_Aguinaldo, on 5 June 2012.

First PH Republic seal:
http://www.hubert-herald.nl/Pilipinas_bestanden/image026.jpg

philippine independence:
http://directorymanila.net/infocus/wp-content/uploads/2011/05/philippine-independence.jpg

Malolos Cathedral historical markers:
http://www.retrato.com.ph/photodtl.asp?id=ME00036

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

N.B. Binago ng manunulat ang bahaging tumatalakay sa historical marker matapos ang komento ng mambabasang si tope1103.

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 1000 piso

Isang tema ang sinunod ng mga disenyo ng pera ng pilipinas sa ilalim ng New Design. Sa harapan ng pera, ang imahe ng isang dating pangulo o bayani. Sa gawing kanan niya, ang kanyang ambag sa kasaysayan ng bansa. Karaniwang isang gusaling pampahalaan ang nasa likuran, na kadalasan ay may kinalaman sa bayani o dating pangulo na nasa harapan.

Tatlong disenyo sa New Design ang hindi sumunod dito:

  • ang 200 na ipinakita ang People Power II sa likuran;
  • ang 500 na ipinakita ang mga ambag ni dating Senador Benigno Aquino, Jr.; at
  • ang 1000 na tatalakayin natin ngayon.

Ang 1000 piso ang natatanging mayroong tatlong tao sa harapan. Mula sa itaas pakanan sila ay sina Jose Abad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda.

Kilala si Abad Santos bilang Punong Hukom ng bansa noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Bagaman nadakip ng mga Hapones, hindi siya pumayag na itatwa ang kanyang katapatan sa Estados Unidos at sa Pilipinas. Binantaan siyang magiging katumbas nito ang kanyang buhay. Mas pinili ni Abad Santos na mamatay.

Isa si Abad Santos sa mga unang iskolar ng mga Amerikano na pinag-aral sa Estados Unidos.

Si Brigadier General Vicente Lim naman ang unang Pilipinong nagtapos sa West Point, ang primerong akademyang pang-militar ng Estados Unidos. Tubong Calamba, Laguna, siya ang pinakamataas na Pilipinong miyembro ng militar na naiwan sa Pilipinas noong pananakop ng mga Hapon. Nakaligtas siya sa Martsa ng Kamatayan ngunit naglaon ay nadakip at pinugutan ng ulo ng mga Hapon dahil sa pamumuno ng mga gerilya.

Ang natatanging babae ay si Josefa Llanes Escoda na tulad ni Abad Santos, ay ipinadala sa Estados Unidos upang simulan ang pagsasanay ng mga kababaihan sa scouting. Taong 1940, sa kanyang ikalawang balik mula Amerika, sinimulan ni Escoda ang pagsasanay sa mga guro sa mga pampublikong pampaaralan. Sa bisa ng Commonwealth Act. No. 542, kinilala ang samahang itinatag ni Escoda: ang Girl Scouts of the Philippines.

Sa gawing kanan ng isanlibong piso makikita ang eternal flame at ang korona ng laurel. Kung iuugnay ang dalawang ito sa mga imahe ng tatlong bayani, ipinahahatid ng apoy ang walang hanggang pamamayagpag ng kanilang pakikipaglaban para sa kalayaan. Silang tatlo ang kumakatawan sa mga hindi na mapanagalanang mga Pilipino na lumaban sa pananakop ng Hapon.

Ang korona ng laurel ang nasa ilalim ng eternal flame. Kapansin-pansin na hugis itong sapatos ng kabayo. Ginamit ng mga Roman ang ganitong hugis ng koronang laurel upang ipahayag ang kanilang tagumpay sa labanan. Sa parehong paraan naibalik ang kalayaan sa bansa: pananaig ng pinagsamang pwersang Pilipino at Amerikano sa USAFFE.

Walang direktang kaugnayan ang mga imahe na nasa likuran ng isanlibong piso sa mga bayaning tampok sa harapan nito.

Sakop ng kalahati ng likurang bahagi ang Hagdang-hagdang Palayan ng Banaue. Testamento ito sa husay pang-inhinyero at ng isang hirarkiyang panlipunan ng mga Pilipino bago pa ang panahon ng pananakop.

Sa gawing kanan makikita ang takip ng Manunggul Jar. Pinapakita nito ang dalawang itsurang tao na nakasakay sa bangka at may hawak na sagwan. Ayon sa mga saliksik, ang posisyon ng mga sumasagwan (abot ng dibdib ang tuhod at nasa harapan ang mga bisig) ang posisyon ng mga na-mummify na bangkay na siyang isinisilid sa loob nito. Ang pagsagwan naman ay pagpapakita ng paniniwalang relihiyoso ng mga Pilipino noon: upang makarating sa kabilang buhay, kinakailangang dumaan sa mga ilog o dagat.

Ginagamit namang lugar sambahan sa Sulu ang Langgal Hut (maliit na mosque).

Heto ang mga larawan ng Manunggul Jar at Langgal Hut:

MGA TALA:

1000 front and back
http://philmoney.blogspot.com/2007/04/1000-peso-bill-new-design-series.html

BGeneral Vicente Lim picture


Manunggul Jar picture


Langgal Hut


Michael Charleston B. Chua, THE MANUNGGUL JAR AS A VESSEL OF HISTORY, Retrieved from the world wide webhttp://www.artesdelasfilipinas.com/archives/50/the-manunggul-jar-as-a-vessel-of-history on 11 May 2012

Bio Pinoys, Jose Abad Santos, Retrieved from the world wide web, http://biopinoys.blogspot.com/2008/06/jose-abad-santos.html on 11 May 2012

Filipino eScribbles, THE NATIONAL HERO’S CRIB (CALAMBÂ, LA LAGUNA), Retrieved from the world wide web http://filipinoscribbles.wordpress.com/tag/vicente-lim/ on 11 May 2012

The Girl Scouts of the Philippines, Girl Scouting in the Philippines, Retrieved from the world wide web on 11 May 2012

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.