Tag Archives: tula

Quote

Nangarap ako noon,
nangangarap ako ngayon.
Kailan kaya magiging pangarap ang ngayon?

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Pagmumuni-muni

Advertisements

Dalawang Sunog

Standard

Bago mag 1896:

El Fuego!

Nagtatakbuhan ang mga abang tao tangan-tangan ang kakarampot nilang mga ari-arian palayo sa pulumpon ng maitim na ulap malapit sa simbahan ng Santa Ana. Hila-hila ang kanilang mga anak at buhat-buhat ang mga tampipi, hindi magkanggamayaw ang mga tao sa pagtakas sa sakunang biglaang ipinataw ng Dios sa kanila.

El Fuego!

May dalawang sibil na naka-tanghal pang patakbo sa daang na itinuro ng mamâ kung saan isang puting kabayo ang naliligaw. Naroon sa lumalagablab na apoy ang mga panginoong may lupa at mga prayle—o anino lamang nila ang mga iyon? Sa bubungan ng isang kubo umaakyat ang isang binata. Sa lupa tinitipon ng isang ale ang inalwas na mga damit.

El Fuego!

Sa gitna ng sindak at taranta, naroon sa lapag ang tahimik na estatua ng Nuestra Señora: nakatingala’t nagdarasal sa abo-asul na langit ng katanghalian.

Si Bonifacio daw ang pasimuno.

Ciento y diez años pagkatapos:

Kung di pa inusisa ng manong sa manibela kung saan nanggagaling ang pagkakapal na usok, hindi pa mapapansing nababalutan na ng ulap at pinagmistula nitong langit ang buong kanto ng Felix Huertas at ang kahabaan ng Tayuman. Mabaho ang ulap, di tulad ng malabulak na piraso ng langit na naabot dati kapag patila na ang bumuhos na ulan.

Sa di kalayuan, isang wang-wang ang narinig kasabay ng dalawang taginting ng isang kampana. Habang binabagtas ng dyip ang kahabaan ng Lacson, isa-isang tinanggal ng mga pasahero ang mga takip sa kanilang mga ilong. Sinulyapan nila ang daan bago tumingin sa malayo, nagbasa o natulog.

TALA:
Ang larawan sa itaas ay ang El Fuego ni Lorenzo Guerrero. Nakuha ko ang imahe may pitong taon na ang nakararaan, mula sa isang libro ng Retorika. Sa kasamaang palad, hindi ko na maalala ang pamagat nito.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Mga alaala, paalala at pamana

Standard

Bigay ng isang namayapang kamag-anak ang teleponong gamit. Ibinigay n’ya ito sa aking ina, isinalin  naman ng aking ina sa akin nang mahirapan s’yang gamitin iyon. Tila isang paman ang hamak na telepono na ginamit upang isulat ang sanaysay na ito.

Ang mga pamana’y ‘di lamang  mga materyal na bagay na pinagsasalin-salin upang pakinabangan. Kaakibat nito’y mga alaala na maya’t maya’y hinahangin pabalik sa gunita. Pagdaka’y ang mga mata’y napupuwing, ang lalamuna’y nangangait at ang mga labi’y nanginginig.

Ito ang kapangyarihan ng mga alaala. Nagagawa nitong kalabitin ang pinakatatago ng ating mga hangarin: na sana’y may isang haplos pa, isang yakap pa, isang halik pa—mga haplos, yakap at halik na maar nating makamit mula sa mga pamana ng namayapa.

Para kay Tita Ely

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0

Unported License.