Tag Archives: philippine flag law

Ukol sa pag-awit ng Pambansang Awit

Standard

Image

May panibagong aawit ng pambansang awit sa laban ni Manny Pacquiao sa Hunyo.

Ito ang problema sa mga mang-aawit na pinipili ni Pacquiao: gumagawa sila ng sarili nilang bersyon ng Pambansang Awit at mangangatwirang ginawa nila ito dahil kalayaan nila iyon bilang alagad ng sining. Nakalimutan yata nila na pamana ng ating mga bayani ang kalayaang kanilang tinatamasa–silang nagbuwis ng dugo, pawis at luha upang labanan ang mananakop sa ngalan ng Inang Bayan.

Nabibilang si Julian Felipe sa mga dakilang bayaning iyon at nararapat lamang na bigyan siya ng pagkilala sa paglikha ng Lupang Hinirang. Ito ang dahilan kaya sa Seksyon 37 ng Republic Act No. 8491 (mas kilala bilang Flag and Heraldic Code of the Philippines) sinasabi na dapat ginagamit ang komposisyon ni Felipe kung aawitin o tutugtugin ang Pambansang Awit.

Ito ang music sheet ng awiting iyon. Ang mga propesyonal na mang-aawit tulad ng karamihan sa mga napili ni Pacquiao ay marunong bumasa ng nota. Umaasa akong makararating ito sa panibagong mang-aawit. Kirby Asunto daw ang kanyang pangalan ayon sa ABS-CBN news.

Oo nga pala, si Lea Salonga lamang ang natatanging mang-aawit ng Lupang Hinirang sa mga laban ni Pacquiao ang nakasunod sa music sheet na ito.

Ang escudo ng Republika (3)

Standard

Nakasalalay sa Philippine Heraldry Committee ang tungkulin ng paggawa ng escudo at ng iba pang simbolo ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan. Itinatag ito ng Pangulong Quezon noong 1940. Nang tuluyang nasakop ng mga Hapon ang Pilipinas noong 1942, tumigil din ang pagpapatakbo sa pamahalaang Commonwealth, kasama na ang gawain ng Philippine Heraldry Committee. Sa pagbagsak ng mala-sariling pamahalaan ay ang pagsisimula ng isang pamahalaang kontrolado ng mga opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Imperyong Hapones: ang Ikalawang Republika.

Isang makabayang ideolohiya ang ipinatupad ng mga Hapones na makikita sa panibagong escudo ng Ikalawang Republika (n.b. hindi kasama ang beige na kulay sa background). Kapansin-pansin na nasa gawing kaliwa ang kulay pula at nasa kanan ang asul, hindi tulad ng nakasanayan. Tinanggal din ang silver dolphin at ang kastilyo na mula sa mga Español gayundin ang agila na mula sa mga Amerikano. Tanging natira ay ang tatlong bituin na (sumisimbolo sa Luzon, Visayas at Mindanao), ang tatsulok at ang araw na pawang namula sa escudo ng Katipunan.

Kabukod pa sa escudo na ito ang mismong escudo ng Ikalawang Republika . Kaiba sa lahat ng naunang escudo, bilog ang hugis nito at nasa loob ay isang tatsulok, sa tatlong gilid ay ang mga salitang ‘kapayapaan’, ‘kalayaan’ at ‘katarungan’. Sa loob naroon ang araw at sa mga sulok ng tatsulok, ang tatlong bituin. Pula ang kulay ng loob ng tatsulok, na taliwas sa labas nito na kulay puti. Ito ang unang escudo ng Republika na nasa wikang Tagalog. (n.b. Muli, hindi kasama ang beige na kulay sa background)

Sa pagbabalik ni Heneral MacArthur noong 1944, napalaya ang Pilipinas sa mga Hapones at naibalik ang pamumuno ng pamahalaang Commonwealth sa pamumuno ni Pangulong Sergio Osmeña, Sr. Dalawang taon din ang itinagal ng malasariling pamahalaan kung saan ibinalik ang kalakaran ng pamahalaan bago pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Taong 1946 nang ipagkaloob ng Amerika ang kalayaan sa Pilipinas sa bisa ng Batas Tydings-McDuffie at ipinahayag ng isang panibagong escudo ang isang nagsasariling (at hindi malasariling) pamahalaan.

Ibinalik sa escudo ang agila na mula sa escudo ng Amerika at ang leon na mula naman sa España (mas maipapaliwanag ang pinanggalingan nito sa post na ito). Muli, nasa gawing kaliwa ang asul at nasa kanan ang pula. Kapansin-pansin din na inilagay na sa gitna ang isang bilog na may araw sa loob. Napaliligiran ang bilog ng tatlong bituin. Kapansin-pansin na mayroong gintong gilid ang pananngalang. Mayroon din itong scroll na mga salitang “Republic of the Philippines”. Ang escudo na ito ang ginamit ng Ikatlong Republika (1946-1972). Binago ito ng Ikaapat na Republika nang isalin nito sa wikang Filipino ang nilalaman ng scroll: “Republika ng Pilipinas”. Hanggang sa kasalukyan, ito ang gamit na escudo ng bansa.

CREDITS

http://www.hubert-herald.nl/Pilipinas.htm#reppildrie

Perdon, Renato. Footnotes to Philippine History. Available from the world wide web Accessed on 1 January 2012.
http://books.google.com.ph/books?id=vqKsKUUSNNQC&pg=PA35&dq=philippine+coat+of+arms&hl=en&sa=X&ei=jlwAT9aaFpCTiAeG9KC_AQ&redir_esc=y#v=onepage&q=philippine%20coat%20of%20arms&f=false.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.