Ang Mamamatay-tao sa bawat isa

Standard

May limang taon na ang nakalilipas, napagpasiyahan na sumali sa isang ekslusibong samahan para sa mga manunulat ng Unibersidad. Upang matanggap, kinakailangang sumailalim sa pagsusulit: magsulat ng isang kwento ukol sa kahit anong bagay at magsuri ng tula.

Doon ko isinulat ang una kong kwento tungkol sa isang mamamatay-tao, ang “Hayok na Adan”. (http://www.fictionpress.com/s/2243782/1/bHAYOK_b_bNA_b_bADAN_b)

Nang unang mabasa ang draft matapos ang isa’t kalahating oras ng pagsusulat, nag-alinlangan pa na ipasa ito. Isang Katolikong Unibersidad ang pinag-aaralan kaya natakot na ma-censor. Gagahulin naman sa oras sakaling gumawa ng panibago, lalo’t may kadugtong ang  pagsusulit. Kaya naman nang ibigay ang papel sa nagbabantay at lumabas ng hall, alam nang hindi matatanggap sa samahang iyon.

Sa pag-aakalang walang papansin sa kwento ukol sa isang mamamatay-taong necrophiliac, ini-upload ito sa FictionPress at umasang mayroong magbabasa. Sayang naman kung ang mga mata lamang ng tagabantay na iyon ang makapagbabasa ng kwento. Gusto kong malaman ang magiging reaksyon ng mga ordinaryong mambabasa.

Nakagugulat ang mga numero. May pambilang ang FictionPress sa bilang ng hits ng mga kwento ng isang manunulat. Sa may dalawampung katha, ang “Hayok ni Adan” ang nasa tatlong pinakamataas na nasa mahigit dalawandaang hits.

Hanggang ngayon, pinagtatakhan pa rin kung bakit binabasa ang ganitong katha samantalang ito lamang naman ang kanyang buod:

“Ganid sa laman. dapat MA ang rating. may mga temang di angkop para sa mga bata”

Dahil ba sa temang sekswal o dahil sa temang misteryoso? O dahil pinaglaruan ang ideya na ang bawat isa ay may kakayahang isipin na maaring sila si Popoy o kaya naman ang babaeng biktima?

Hinding-hindi malilimutan ang pakiramdam nang isulat ang kwentong iyon. Dahil literal na bolpen at panulat ang ibinigay sa aming medium, dama ng mga daliri ang bilis ng daloy ng mga imahe sa isipan na para bang nasasaksihan ang mga pangyayari sa kwento. Hiningal pagkatapos magsulat. Kung dahil sa ngawit ng kamay o sa takot sa mga salitang naisulat, hindi na maalala. Ang malinaw sa isipan hanggang sa kasalukuyan ay ang pagpapatuloy sa susunod na dapat gawin na mistulang walang nangyari.

Siguro nga, ang kathang iyon ay may kakayahang sundutin ang imahinasyon ng mambabasa kung paano pumatay ng kapwa tao. Siguro nga, ang kathang iyon ay may kakayahang iparamdam na waring ang mambabasa ang piping saksi sa isang krimen na nagaganap sa kanyang harapan. Siguro nga, pinag-aalab ng kathang iyon ang pagiging mamamatay-tao ng mambabasa…at ng manunulat.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s