Monthly Archives: May 2012

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 50 piso

Standard
Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 50 piso

Minimalist o kaunting detalye ang ginamit ng  New Design Series o ang disenyo ng perang papel na gamit ng Pilipinas sa nakalipas na dalawampung taon.  Kaya naman bukod sa imahe ng dating pangulo ng bansa, isang makasaysayang pangyayari o bagay ang inilalagay sa gawing kanan. Sa likuran naman ay inilagay ang isang makasaysayang gusali na may kinalaman sa pangulo na nakaguhit sa harapan.

Sa limampung piso makikita si Sergio Osmeña, Pangalawang Pangulo ng pamahalaang Commonwealth, naging Senate President Pro-tempore at dating Ispiker ng Asemblea Filipina bago nagkaroon ng isang bicameral na lehislatura. Kaeskwela, kaibigan at karibal niya si Manuel Quezon.

Sa gawing kanan ng pera makikita ang Fuente Osmeña (Osmeña Fountain) na makikita sa Cebu City, lugar ng kapanakan ni Osmeña. Ang unang larawan sa ibaba ay ang nakaguhit na larawan ng fountain samantalang ang nasa ibaba nito ay ang larawan sa ngayon ng Fuente Osmeña Rotunda.

Ang gavel naman ay sumisimbulo sa naging hanapbuhay ni Osmeña: isa siyang abogado na nakatapos sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Sa likuran ng pera makikita ang imahe ng Pambansang Museo. Dating Legislative Building ang gusaling ito kung saan pinangunahan ni Osmeña ang Asemblea Filipina (Philippine Assembly) bilang Ispiker nang labinlimang taon. Nang maging bicameral ang lehislatura sa bisa ng Batas Jones ng 1916, nagsilbi si Osmeña bilang  Ispiker ng Camara de Representantes (House of Representatives). Noong 1922, nahalal siya bilang Senador. Nanatili siya sa pwestong iyon hanggang 1935, nang mahalal siya bilang Pangalawang Pangulo.

Nang mamatay si Pangulong Quezon sa Amerika noong unang araw ng Agosto 1944, nanumpa si Osmeña bilang Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth. Siya ang ikalawang pangulo ng malasariling pamahalaan na nanungkulan sa Estados Unidos habang sakop ang Pilipinas ng bansang Hapon. Kasabay niyang bumalik ng bansa si Heneral Douglas MacArthur nang mabawi ng  pwersang Amerikano ang Golpo ng Leyte noon 20 Oktubre 1944.

MGA TALA:

PHP 50 front:

PHP 50 back:

Osmeña Fountain:

Philippine Encyclopedia of the Social Sciences, 1993 ed., s.v. “Osmeña, Sr., Sergio (1878-19?)”
Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Advertisements

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 100 piso

Standard

Tampok sa isandaang piso ang unang Pangulo ng Ikatlong Republika, si Manuel Roxas. Sa gawing kanan makikita ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas at ang pagbaba ng watawat ng Amerika. Kung susuriing mabuti, makikita sa ibaba ng watawat ang anino ng mga tao, isang nakasaludong sundalo at dalawang lalaki na may hawak na tali at humihila sa mga watawat.

Ang tagpong ito ay ang pagpapasinaya ng Ikatlong Republika noong ika-4 ng Hulyo 1946. Dakong 9:15 ng umaga, sa lugar kung nasaan ang flagpole ng Luneta, ibinaba ang watawat ng Amerika at itinaas naman ang sa Pilipinas sa saliw ng pambansang awit ng dalawang bansa. Si Pangulong Roxas ang nagtaas ng watawat ng Pilipinas samantalang ibinaba naman ni Embahador Paul McNutt  ang watawat ng Estados Unidos. Ito ang tanda ng pagtatapos ng pananakop ng Estados Amerika at ang pagsisimula ng isang nagsasariling pamahalaang Pilipino.

Sa larawan, makikita natin ang sumusunod mula sa dulong kanan: si Pangalawang Pangulo Elpidio Quirino, Embahador Paul McNutt at Pangulong Manuel Roxas.

Kung magagawi sa Luneta, hanapin lamang ang nabanggit na flagpole na nasa harap ng monumento ni Jose Rizal. Apat na palatandaang pangkasaysayan ang makikita sa base nito, isa para sa bawat direksyon. Hanapin ang palatandaan sa direksyong kanluran o ang nakaharap sa Roxas Boulevard.

First-republic-inauguration-historical-marker

Sa likuran naman ng isandaang piso makikita ang imahe ng central office ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Roxas ang nagsulong ng pagtatag ng isang bangko sentral noong siya’y nagsilbi bilang Kalihim ng Pananalapi ng Pamahalaang Commonwealth bilang pagsunod sa Batas Tydings-McDuffie. Pinagtibay ito ng Lehislatura ng Pilipinas noong 1939, ipinasa sa gobyernong Amerikano at bumalik sa Commonwealth. Wala nang nangyari pa pagkatapos noon.

Nang maging Pangulo si Roxas, ipinasa niya sa Kongreso ang isang legislative bill na nagtatayo ng isang Bangko Sentral at nagtatadhana ng kapangyarihan at tungkulin nito. Isinaayos din nito ang ilang tuntunin na nauukol sa usaping pananalapi ng Pilipinas.

Nakalulungkot lamang isipin na napirmahan ang bill bilang Republic Act No. 265 (The Central Bank Act) noong ika-15 Abril 1948, eksaktong dalawang buwan matapos yumao si Roxas.

MGA TALA:

 PHP 100 front


PHP 100 reverse


Third Philippine Republic Inauguration
http://imageshack.us/photo/my-images/35/manuelroxasjuly41946.jpg/sr=1

Bangko Sentral ng Pilipinas, Chronology of Events: Central Banking in the Philippines, Retrieved from the world wide web
http://www.bsp.gov.ph/about/history2.asp on 7 May 2012.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons

Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Ang Kasaysayan ng Pilipinas sa Pera: Ang 20 piso

Standard

Hindi tulad ng 500 piso, kakaunti ang mga imahe na makikita sa mas mababang perang papel. Ang harapan ng dalwampung piso–o mas kilala sa tawag na bente (mula sa Castilla na beinte)–ang nagpapakita ng mga naiambag ni Manuel L. Quezon sa Pilipinas.

Sa kanang panig ng papel makikita ang escudo ng Pamahalaang Commonwealth, tanda na si Quezon ang unang naging Presidente ng malasariling pamahalaan sa ilalim ng mga Amerikano.

Sa ilalim nito ay dalawang papel, na may nakasulat na “Wikang Pambansa” at “Saligang Batas ng 1935”. Upang mapasinayaan ang Pamahalaang Commonwealth, itinadhana ng Batas Tydings-McDuffie na nararapat na magkaroon ng sariling Saligang Batas (o Konstitusyon) ang Pilipinas na siyang maglalatag ng pundasyon ng kalayaan. Naisulat ang Saligang Batas na ito sa pagtitipon ng mga delegado na tinawag na 1934 Constitutional Convention. Nang makumpleto ang final draft ng Saligang Batas noong Pebrero 1935, ipinadala ito sa Estados Unidos at pinirmahan ni Pangulong Franklin Roosevelt. Pinagtibay naman ito sa Pilipinas noong 14 Mayo 1935.

Kasama sa nilalaman ng Saligang Batas ng 1935 ay ang pagpili ng wikang pambansa ng Pilipinas. Isinulong ni Quezon ang pagtatatag ng isang Surian ng Wikang Pambansa na siyang susuri, pipili at magpapalago ng paggamit ng isang wikang gagamitin ng mga Pilipino para sa kalakalan, pamahalaan, komunikasyon at edukasyon. (Para sa mas detalyadong talakayan ukol sa paksa ng wikang pambansa, mag-click dito.)

Ang imahe naman ng Palasyo ng Malacanang ang makikita sa likuran ng dalawampung piso. Si Quezon kasi ang kauna-unahang Pangulo ng bansa na nanirahan doon matapos itong maging tirahan ng mga Amerikanong Gobernador-Heneral.

Kung ihahambing ang facade ng Malacanang circa 1940, hindi ito nalalayo sa nakaguhit sa pera. Heto ang larawan mula sa malacanang.gov.ph:

Mahalagang alalahanin na walang makikitang mga larawan na mas malapit pa kaysa dito. Hindi pinahihintulutan ng Presidential Security Group (PSG) ang pagkuha ng litrato ng Palasyo. Kapag napasakay sa Pasig River Ferry Service na bumibiyaheng Pasig-Intramuros, mayroon palaging kasamang isang miyembro ng PSG na nagbabantay sa mga nakasakay, lalo na kung dadaan sa harap ng Palasyo.

MGA TALA:

Old 20 pesos reverse: http://2.bp.blogspot.com/-m-LTedyH6-Y/T5VQZdFqdxI/AAAAAAAAAFY/T6-JluYYZRs/s1600/old-cropped20rev.jpg

Old 20 pesos front: http://4.bp.blogspot.com/_BMQj_kvPlnI/TQuRmmIhymI/AAAAAAAAAHo/fdxtcorCEHA/s1600/Php_bill_20_front.jpg

Malacanang Facade 1940: http://malacanang.gov.ph/about/malacanang/