Politika ng wika

Standard

Aminin na natin: kahit kailan hindi magtatagpo ang wika ng walang yaman sa mayroong yaman.

Ito ang aking nakikita habang binabasa ang dalawang sanaysay ng kolumnista na si James Soriano. kilala bilang ang manunulat na nagtaguri sa wikang Filipino bilang “language of the streets” dahil ginagamit n’ya daw ito upang mag-utos sa kanilang katulong, drayber o katulong. Samantalang sa paaralan, mas ginagamit ang wikang Ingles bilang wikang panturo, sa pagsusulat at maging sa pakikipag-usap. Iginiit ni Soriano na sa Ingles s’ya nakaranas ng madaling pagsasalita at pagsusulat, na taliwas sa kanyang karanasan sa wikang Filipino.

Unawain natin si Soriano. Isa s’yang mag-aaral ng unibersidad sa Loyola kaya marahil ito ang kanyang karanasan sa wikang Filipino. Naisasantabi ang pambansang wika sapagkat ang lingua franca ng mundo ang mas binibigyang pansin. Kinakailangang gawin ito dahil layunin ng unibersidad na iyon na maghubog ng mga mahuhusay na mga propesyonal na sasabak sa patuloy na nagbabagong hamon ng isang globalisadong mundo. Ingles ang susi para mabuksan ang daan sa iba pang oportunidad upang maungusan ang magagaling ding mga propesyonal.

Ito ang pananaw ng isang taong mayroong pera. Umiikot ang kanyang mundo sa Ingles dahil kapiling n’ya ang mga taong nagsasalita at nakauunawa ng wikang ito. Sanay s’ya sa wikang iyon sapagkat ang mga librong kanyang binabasa, mga palabas na pinanonood  at musikang pinakikinggan ay nasa wikang Ingles. Kumbaga s’ya ang taong nasa itaas ng Bapor Tabo: ang nakalalanghap ng sariwang hangin, ang nakaaabot sa bughaw na langit, ang nakatatanaw sa malawak na karagatan. Walang bagay na imposible para sa kanya.

Na kahit kailan ay hindi maintindihan ng mga tao sa ibaba ng Bapor Tabo: ang nagsisiksikan, napapawisan at nag-aagawan sa pwesto. Malamang na saglit na ngingitian nila ang nag-Iingles sa kanila, titigan sandali bago ihahanap (kung may mahahanap) na maaring kumausap sa kaawa-awang nilalang na hindi magamit ang lingua franca ng mundo sa napakaliit na espasyo ng barko.

Ito ang kalunos-lunos na kalagayan ng wika ng sambayanan. Pinaghihiwalay nito ang mga tao dahil sa hindi pagkakaintindihan. Hindi nagtama ang mga salitang ginamit ni Soriano sa isipan ng karamihan ng tao dahil nasa magkaibang antas sila ng bapor. May sariling kultura ang isang wika at ang kulturang ito ang isinasabuhay ng mga taong gumagamit nito. Ang hindi pagkakaintindihan sa wika ay hindi pagkakaintindihan ng kultura.

Para sa mga tao sa ibaba ng Bapor Tabo, Filipino ang wikang nagpapatakbo sa kanilang mundo. Ito ang wikang gamit kapag sumasakay ng jeep, sa pagbili sa tindahan o kahit sa pakikipag-usap sa kaibigan. Filipino ang wika ng pinapanood sa telebisyon, ng diyaryo o libro na binabasa, kahit ang musikang pinakikinggan. Ingles naman ang gamit kung makikipag-usap sa amo (depende sa trabaho) o kaya sa guro o propesor.

Ipinalagay ni Soriano na ang kanyang karanasan ay ang karanasan ng lahat–isang malaking pagkakamali dahil ang higit na karamihan ng mga Pilipino ay nagsisiksikan, napapawisan at nag-aagawan sa pwesto sa ibaba ng Bapor Tabo. Kakaunti lamang ang tulad n’yang nasa itaas ng Bapor at malayang nalalanghap ang sariwang hangin, malayang naaaabot ang bughaw na langit, malayang natatanaw ang malawak na karagatan.

Wika bilang gunita ni James Soriano

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s