Solusyon sa Katamaran

Standard

Sinabi ni Abdon Balde Jr. sa isang workshop, “Writing is a discipline, you must do it everyday.”  Kaya naman walang araw na lumipas na walang post sa blog na ito. Kung sakaling nawaglit , ginagawang dalawa ang post. Kailangang mabawi ang nawalang oras.

Kaya sige, kahit walang karapatan na isulat, heto ang ilang tip para maiwasan ang katamaran sa pagsusulat.

  1. Pumili kung ano ang gagamitin sa pagusulat: bolpen at papel o computer. Mas maiging piliin kung saan mas komportable. May mga manunulat na mas sanay na marinig ang tunog ng pagpindot ng keyboard at mayroon din namang mas gustong dama ang daloy ng diwa sa daliri. Kung hindi alam ang maigi para sa sarili, subukang mag-freewriting sa dalawang nabanggit na medium. Kung saan mas maraming naisulat, iyon ang gamitin sa pagsusulat.
  2. Simulang mag-freewriting. Freewriting ang tawag sa pagusulat nang mga bagay na pumapasok sa isipan nang walang takot kung ano ang kalalabasan, kung may magbabasa o kung umaakma ba ito sa istilo mo bilang manunulat. Layon nito na bigyang laya ang mga ideya sa isipan at gamitin ang mga ito sa susunod na katha. Kung susundin natin ang sinabi ni Abdon Balde Jr. at itatambal ang tagubilin ni Ricky Lee, gumising nang alas sais ng umaga (halimbawa) at magsulat nang walang tigil nang labinlimang minuto. Kapag napansin na kulang na ito, dagdagan nang limang minuto. Habaan nang habaan ang oras at magugulat ka isang araw na nakakasulat ka nang walang tigil nang isang oras araw-araw.
  3. Magtalaga ng isang lugar kung saan magsusulat. Ito ang magiging teritoryo sa tuwing kinakatok ng lakambini ng panitikan. Nasa manunulat na kung pipiliin ay iyong lugar na tahimik, maingay, maliwanag o madilim. Mahalaga na sa lugar na ito nakakapag-concentrate upang makapagsulat.
  4. Ibahin ang isinusulat kapag komportable na sa freewriting. Kapag nasanay na sa takdang oras ng pagsusulat, subukang magsulat ng tula o kwento sa takdang bilang ng minuto sa nakatalagang lugar. Muli, hindi mahalaga (muna) ang pupuntahan ng mga katha. Mas mahalagang magsimula sa kaunti kaysa magsimula sa wala. Ito ang magiging draft ng mga akda.
  5. Gamitin ang mga nasimulang katha upang maging akda. Ang tunay na dahilan kaya ayaw magsulat ng manunulat ay hindi dahil wala siyang ideya kung ano ang isusulat niya. Takot kasi siya sa puting papel na dapat niyang punuin ng mga salita. Habang itinutuloy ang nakagawiang pagsusulat ng mga draft, balikan ang ilan sa mga ito. Piliin kung alin ang dapat putulin, bungkalin o ulitin.
  6. Subukang sumali sa mga patimpalak at workshop ukol sa pagsusulat. Ito ang pinakamabisang paraan upang masukat ang kakayahan bilang manunulat. Dito rin nakakasalamuha ng mga kapwa manunulat, sikat man o hindi. Nagbibigay sila ng mga opinyon at payo ukol sa iyong mga akda na maaring mong gamiting gabay upang mapaunlad pa ang kakayahan.
  7. Magbasa, magbasa, magbasa. Isa itong paraan ng paghasa ng istilo ng pagsusulat at nakatutulong upang mahanap ang boses ng manunulat. Sa pagbabasa lamang kasi naiipon ang mga salitang maaring gamitin at kung paano ito iaayos upang mapalabas ang diwa ng manunulat.
Ang katamaran sa pagsusulat ay hindi isang sakit na kapag nahanap ang gamot ay ititigil ang pag-inom nito dahil “magaling” na. Ang pasusulat ay kasanayan ng kakayahang hagilapin ang mga salita. Ang tanging solusyon sa katamaran ay kasipagan, na maari lamang makamit kung may disiplina at determinasyon ang manunulat na mapaunlad ang kanyang kakayahan.
DAY 21

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s