Si Sir

Standard

Pumapasok s’ya ng classroom  suot ang kanyang checkered polo, Levi’s na maong at itim na balat na sapatos. Dala-dala n’ya ang isang asul na handbag na mayroong masking tape kung saan nakasulat ang “Saturday 2-5PM, 5-8PM”. Ibibitang n’ya ang handbag sa mesa na nasa unahan naming lahat at sasabihing, “Let’s pray.”

Tatayo naman kami at pakikinggan ang dasal na sasabayan namin nang pabulong, “Lord, guide our land and our people in the way of peace and justice. This we ask through Christ our Lord.”

“Amen,” doon lang kami maglalakas-loob na ilakas ang mga boses namin. Saka lang kami uupo.

“Hi, sir,” sasabihin ko. Susunod ang mga kaklase, “Good afternoon, sir.” O kaya nama’y, “Afternoon, sir.”

Isang maikling, “Good afternoon,” ang magiging sagot n’ya sa mga bating ibinabato namin.

Ibibigay n’ya sa taong pinakamalapit sa kanya ang isang puting papel. May isusulat doon ang pinagbigyan bago ipasa ito sa katabi na noo’y nagsimula nang ilabas ang kanyang maliit na kwaderno at isang bolpen.

Saka  sisimulan ni Sir ang pagsasalita, “Narratology is the art of creating stories. It consists of the actor, his actions and the results of his actions. The actor is not necessarily human. In History, we call this actor as agent, from the Latin, agere, to act. So that the word agent in History means the one who acts. This agent may also be the factor of change or the one who produces the effects. Human beings are not the only factors of change. Other factors may include climate, geography, natural calamities or natural resources. Civilization emerges from humans responding to these factors of change. This is what we call the unintended consequences of the intended actions.”

Nasa klase kami ng Rizal and the Intellectual Trends of the 19th Century pero heto ang propesor at nagtatalakay ng tungkol sa literatura nang walang hawak na cue cards, laptop o whiteboard marker. At naroon naman kaming hamak na estudyante, nagtatanungan sa isa’t isa kung tama ba ang naisulat tungkol sa sinasabi n’ya.

Tatlong oras kada Sabado, ganoon ang eksena namin: magtatalakay s’ya ukol sa isang paksa na parang isang encyclopedia na nagsasalita. Habang kami naman ay parang mga reporter ng diyaryo na  kinalaykay ng manok ang sulat upang makahabol lang sa kanya.

Minsan na n’yang sinira ang nakagawian nang pumasok s’ya nang mas maaga at naabutan kaming nag-uusap-usap.

“O ano na namang ginagawa n’yo at nagtsi-tsismisan kayo diyan?” bati n’ya.

Na sinagot ko naman ng, “We were talking about you, sir.”

“Really?” ibinaba n’ya ang kanyang bag sa ibabaw ng mesa bago hinila ang upuan na nasa ilalim nito. Halos umalingawngaw ang paghila ni Sir sa upuan.

“Yes, sir. We were asking the question, ‘Is Sir a demi-god?’ Because if you are, we should praise you,” ramdam ko ang tingin ng mga kaklase ko, na alam kong isang banta: kung bumagsak kaming lahat, ako ang dapat sisihin.

Napailing lang s’ya sabay sabing, “Oh, that would be blasphemy.”

Doon nagsimula ang pangungulit namin sa kanya.

Papasok na s’ya sa susunod n’yang klase. Nakabuntot kami dahil magkalapit lang ang mga room namin.  Binuksan n’ya ang pintuan. Nakita namin na puno na ang mga upuan. Sa bilang ng isang kaklase, sabay-sabay naming isinigaw, “Happy birthday Sir! We love you!”

Lumingon s’ya. Nakita kong bahagyang nabuo ang bird’s feet sa gilid ng kanyang mga mata bago kami pinaalis.

Noong isang beses naman, napadako ang talakayan sa mga lighthouse. Mayroon daw isa nito sa Lobo, Batangas.

“Anyone here from Batangas?” tanong n’ya.

Nagtaas ako ng kamay.

“Where is Lobo?”

Nag-isip ako sandali at dahil taga-Cuenca ako na lumipat sa Maynila sampung taon na ang nakalilipas, sinabi kong, “Somewhere, sir.”

Tawanan ang buong klase.

Kamakailan, dinalaw namin s’ya sa St. Luke’s. Walang hawak na cue cardslaptop o whiteboard marker, nagbigay s’ya ng lecture na ipadadala na lang sa e-mail ng hawak n’yang klase noon. Ang sabi ng nagbabantay sa kanya, inoperahan daw sa bituka, may dalawang linggo na daw na naka-confine.

Pero para namang walang mga tubong nakakonekta sa kanya, “You know,” at muli kong nakita ang  bird’s feet sa gilid ng kanyang mga mata habang nagsasalita s’ya, “being confined at this hospital, I realize how a scientific idiot I am.”

Nagkwento s’ya tungkol sa mga bagong gamit sa mga ospital na parang isang batang nagkukwento sa kalaro ng kanyang bagong laruan. Habang kami naman ay parang mga magulang na nakikinig sa kanyang bagong natutunan sa paaralan.

DAY 2

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-NoDerivs 3.0 Unported License.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s